Monday, September 10, 2012

Sidekick to the face


DISCLAIMER: Hindi totoong mga techniques sa Anger Management ang mga nabanggit sa entry na ito. Katuwaan lang ito.

(The things mentioned in this entry are not genuine techniques in Anger Management. This is just for fun.)

Sidekick to the Face

Nakaranas ka na ba ng serbisyong kontrabida, ika nga ng patalastas? Nangyari na rin sa akin ito. Ano'ng ginawa ko pagkatapos? Tinadyakan ko siya nang patagilid sa mukha. Pero siyempre sa isip ko lang. Pawang imahinasyon lamang. Tulad ako ng mabangis na leon sa loob. Handa ko siyang sagpangin. Pero mayang maliit at mahinahon sa labas.

Hindi lang naman sa mga empleyado pwedeng mabwisit. Nandyan din ang propesor na maraming requirements, groupmate na 'di gumagampan, panginoong may lupa na ayaw magpasakop sa CARP, taong mabagal maglakad sa harap mo, pangit na stalker, asawang nagger, asawang may ibang inaasawa, mga bandang K-pop, bossy na boss, sumisingit sa pila, ayaw magpasingit sa pila, si Justin Bieber, nampi-plagiarize na senador, taong nakikipag-chat kahit ayaw mo, kapit-bahay na nagpapatugtog ng malakas na novelty songs, mga nag-o-audition sa artista search kahit walang katale-talento, at kung sinu-sino pa.

Ewan ko ba kung bakit sa tuwing naiirita ako sa isang tao, ini-imagine ko na tinatadyakan ko siya nang patagilid sa mukha. Sidekick to the face sa Ingles. Todo-buwelo pa nga si Bruce Lee kapag ginawa niya ito. Sabay sigaw ng, "Hiii-YAAAHHH!!!"


Bakit Sidekick?

Kasi masyadong cliche ang sapak. Napanood na natin ito kahit sa mga pelikula ni Lito Lapid, Bong Revilla, at kahit ni Andrew E. Parang boyfriend o girlfriend na may itsura pero walang utak ang suntok - nakakasawa.

Larawan ng sidekick to the face

Ganito ang mga eksena: may nag-iinuman sa tapat ng tindahan. Babaeng anak ng tindera ang serbidora. Babastusin siya ng mga lasinggero. Ipagtatanggol siya ng bida. "Pare, ang babae, minamahal, hindi binabastos," banat nito.

Sigurado tayo na suntok ang unang bibitawan ng lasenggo. Karaniwan, mula sa kanang kamay. Kaya naiwasan ito ng bida. Syempre hindi kumpleto ang fight scene kapag walang natumba sa stall ng palamig.

Kaya hindi ako nanuntok sa imahinasyon ko. Nanipa lang. Kasi baka masalag. Kahit na alam ko namang sa isip ko lang ito.

Isa pa, parang mas nakakagalak ang tadyak. Kasi hindi karapat-dapat na mahawakan ang mga taong gano'n. Madudumihan lang ang kamay ko. Yuck!

Lalong masaya ang sidekick kapag sa ilong siya tinamaan. Para bang sinasabi mo na, "singhutin mo ang swelas ko." Kaya nga sobrang tuwa ko kapag nakaapak pa ako ng ta%. Kasi mukhang ta% naman talaga siya.


Paano Mag-sidekick?

Sa totoo, hindi mabisa ang sidekick sa away-kanto. Kasi mabagal. Tumatagilid ka pa lang, sasapakin ka na ng kalaban. O kaya tinaniman ka ng punyal sa sikmura.

Maganda lang ang sidekick sa imahinasyon at sa telebisyon. Pero kung gusto mo talagang matutunan ito, narito ang mungkahi ko: magsimula ka sa mababa. Kasi mahirap magbalanse. Lalo na kapag isang paa lang ang nasa lupa. Sidekick to the knees, the groin, o the ribs lang muna.

Pero hindi mabuti ang manakit ng kapwa. Isipin mo, mas mabubwisit ka lang kapag nakulong ka, 'di ba? O kaya kapag naospital ka dahil may gripo ka sa tagiliran. O nadiskubre mo na hindi ka pala bullet-proof. Hanggang imahinasyon lang ang sidekick.

Narito ang pinakaepektibo at pinakaligtas na anger management technique: gumising ka ng alas-singko ng madaling-araw. Abangan ang bukang liwayway. Pumwesto sa silong o sa likod-bahay. Tumayo nang tuwid. Hingang malalim. Inhale. Exhale. Ulitin nang 10 beses. Sabay sigaw ng, "Hiii-YAAAHHH!!!" ***

Panoorin ang iba't-ibang variations ng sidekick

__________________________________
Mag-click dito para sa mga totoong techniques sa Anger Management

Mag-click dito para sa ilang karagdagang tips sa Anger Management